32
18:35, 6 April 2025Sa buong biyahe pauwi, hindi mawala sa isip ko ang tono ng boses ni Gail kanina. Hindi ito basta simpleng usyosong tanong. Iba ang pakiramdam ko.
Pagdating ko sa bahay, naabutan kong nasa study si Papa-Major Xyronne-habang tahimik na nagbabasa ng isang lumang case file. Si Mama-Prosecutor Xyronne-nakatayo sa tabi niya, may hawak na phone, para bang may hinihintay na tawag.
Nag-aalangan akong lumapit. "Pa, Ma... may itatanong sana ako."
Sabay silang napatingin sa akin. "Ano 'yon?" tanong ni Mama, pero ramdam ko ang pag-iingat sa tono niya.
"Si Gail... nagtatanong siya tungkol sa mga kaso n'yo noon," nagsimula ako. "Parang may hinahanap siya. Hindi ko alam kung bakit, pero-"
Biglang bumagsak ang case file sa lamesa.
"Anong klaseng tanong?" malamig na tanong ni Papa.
Nanatili akong tahimik saglit bago nagpatuloy. "Parang... may gusto siyang malaman tungkol sa isang kaso na hindi niyo dapat tinanggap."
Nakita ko ang bahagyang pagkaputla sa mukha ni Mama bago siya tumalikod at kinuha ang phone niya. "Kailangan natin silang kausapin."
"Ngayon?" tanong ni Papa.
"Ngayon."
At sa loob ng isang oras, nagtipon-tipon sa bahay namin ang mga taong kahit kailan ay hindi mo gugustuhing makasama sa isang kwarto.
Tahimik akong nakaupo sa tabi ng mga magulang ko, pilit nilalabanan ang paninikip ng dibdib.
Bakit nandito ang lahat?
Sa isang mahabang conference table, nakaupo ang pinakamakapangyarihang tao sa bayan-mga taong sanay sa mga lihim at kasinungalingan, mga taong bihasa sa pagtatakip ng katotohanan.
Sa kaliwa ko, si Major Xyronne at Prosecutor Xyronne, tahimik pero matalim ang mga mata, tila sinisiyasat ang bawat galaw ng iba.
Sa kanan ko, sina Mr. and Mrs. Ravienne, ang mga magulang ni Jette. Ang mga abogadong may kakayahang baluktutin ang batas pabor sa kung sino ang mas may impluwensya.
Sa dulo ng mesa, si Richard Illustre at Viviana Dela Fuente, parehong hindi nagpapakita ng emosyon. Sila ang dahilan kung bakit tayo nandito ngayon-kahit wala pang nagsasalita, alam kong sila ang sentro ng lahat ng ito.
Sa gitna naman ay si Mr. and Mrs. Vhirenne ang mga magulang ni Georgia.
At saka...
Bumaling ang tingin ko sa dulo ng mesa, kung saan nakaupo sina Mr. and Mrs. Chan.
Bakit nandito sila?
Alam kong may alam ang pamilya nila, pero hindi ko inakalang sapat ito para maisama sila sa isang pagpupulong tulad nito.
Tahimik ang lahat. Walang nagsasalita, pero ramdam ang tensyon sa hangin-parang isang pagsabog na naghihintay ng isang mitsa.
Hanggang sa bumukas ang pinto.
Ang tunog ng matatalim na takong sa sahig ay parang kampana ng babala, at nang lingunin ko kung sino ang dumating, halos hindi ako makahinga.
Saoirse Viviene Dela Fuente.
Naglakad siya patungo sa harapan, ang bawat galaw ay puno ng awtoridad. Mahaba ang itim na coat na suot niya, at ang malamig niyang ekspresyon ay tila isang maskara na hindi mo mabasa.
Napako ang tingin ko sa kanya. Bakit siya nandito?
Tumigil siya sa gitna ng mesa, itinukod ang dalawang kamay sa ibabaw nito, at inikot ang tingin sa lahat ng naroroon.
"Well," aniya, ang boses niya ay malutong pero puno ng pangungutya. "Is this a family reunion, or are we finally talking about the things we buried twelve years ago?"
Tahimik akong nakatayo sa harap ng pintuang sarado, ang puso ko'y bumibilis ang tibok.
Pinalabas nila ako.
Noong una, hindi ko inisip na may mali roon. Normal lang naman na hindi ako isali sa mga pag-uusap ng matatanda, lalo na't ang usapan ay seryoso. Pero habang nakatayo ako sa labas ng conference room, habang naririnig ko ang mga boses sa loob-mga boses na bumaba ng tono, naging mas mabigat, mas mapanganib-naramdaman kong may hindi tama.
May gusto silang pag-usapan na hindi dapat marinig ng kahit sino.
Hindi ko dapat marinig.
Huminga ako nang malalim at sinubukang dumikit sa pinto. Sa sobrang kapal nito, halos wala akong marinig, pero nang bahagyang bumukas ang isang siwang, saka tumagos sa akin ang mga boses nila.
Tahimik ang loob ng pribadong silid habang ang pinakamakapangyarihang tao sa lungsod ay nakaupo sa paligid ng isang malaking lamesa. Nandito ang mga kilalang pangalan-Major Xyronne, Prosecutor Xyronne, Richard Illustre, Viviana Dela Fuente, Mr. at Mrs. Vhirenne, Mr. at Mrs. Chan-at ang hindi inaasahang panauhin, si Saoirse Viviene Dela Fuente.
"Nakakatawa, hindi ba?" Malamig ang boses ni Prosecutor Xyronne habang pinagmamasdan ang bawat isa. "Pagkatapos ng maraming taon, nandito na naman tayo."
"At dahil lang sa isang bata," dagdag ni Major Xyronne, halatang iritado. "Isang batang hindi marunong magtigil."
Umirap si Viviana at ngumiti nang bahagya. "Katulad ng nanay niya."
"Si Celine," Richard Illustre halos napatawa, pero puno ng hinanakit ang boses niya. "Napaka-usisero. Napaka-kulit. At tignan mo kung saan siya dinala ng pagiging matalino niya-sa hukay."
Sa kabilang dulo ng lamesa, isang mahinang tawa ang pumuno sa hangin-maliit, halos parang isang batang naglalaro.
"Naalala ko pa," sambit ni Saoirse, hinihimay-himay ang isang hibla ng buhok niya sa pagitan ng mga daliri. "Ang sigawan. Ang iyakan. Ang dugo. Ang ganda, 'di ba?"
Napatingin sa kanya si Mrs. Vhirenne, kita ang bahagyang pag-aalala sa mukha, pero mas lumawak lang ang ngiti ni Saoirse.
"Tama na 'yan," putol ni Mr. Vhirenne, madiin ang boses. "Wala tayong panahon sa pagbabalik-tanaw. Ang mahalaga ay hindi na ito muling mabubuksan."
Huminga nang malalim si Major Xyronne. "Ang problema, nagsisimula nang magtahi-tahi ng kwento si Macy Abigail Velasco."
"Wala siyang ebidensya," sagot ni Prosecutor Xyronne. "Mga hinala lang ang meron siya."
"At ang mga hinalang 'yan," madiin na sabi ni Richard, "ay magiging ebidensya kung hindi natin siya mapapatigil."
Nag-tap ng kuko sa lamesa si Viviana, ang tunog nito ay parang bumibilis na orasan. "Siguro kung may ibang gumawa ng trabaho nila nang maayos, hindi tayo magkakaganito." Direkta ang tingin niya kina Mr. at Mrs. Chan.
Matalim ang tingin ni Mr. Chan nang itaas niya ang kanyang ulo. "Ginawa namin ang parte namin."
Tumango si Mrs. Chan. "Napakaingat nina Marina at Celine, pero may tiwala sila sa amin. Kaibigan nila kami."
"Kaya naman, nang lumapit kayo sa kanila at inalok sila ng 'tulong,' naniwala sila." Si Viviana, nakangiti na parang pusa na nakahuli ng daga.
"Siyempre," sagot ni Mr. Chan, walang alinlangan sa boses niya. "Ganun naman ang plano, hindi ba?"
"Binigyan namin sila ng pag-asa," dagdag ni Mrs. Chan. "Pinaasa namin sila na maililigtas namin sila. Na may daan palabas."
Humalakhak nang mahina si Richard. "Pero sa halip, dinala niyo sila diretso sa amin."
Muling tumawa si Saoirse-maliit, parang nag-e-enjoy sa usapan. "Nagmakaawa sila, hindi ba?" May excitement sa boses niya. "Akala nila, kaibigan nila kayo, pero ngumiti lang kayo habang ibinibigay sila sa mga berdugo."
Nanigas ang mukha ni Mrs. Chan. "Ginawa namin ang kinakailangan."
"At kami ang naglinis ng gulo," singit ni Prosecutor Xyronne. "Siniguradong walang butas ang ulat tungkol sa aksidente."
Tumikhim si Major Xyronne. "Dapat isang simpleng car accident lang iyon. Mabilis. Malinis."
"At ngayon," singhal ni Mr. Vhirenne, "labindalawang taon na ang lumipas, pero nandito pa rin tayo, pinag-uusapan ito."
Sa kabila ng lahat, hindi nawala ang nakakalokong ngiti ni Saoirse. "Alam niyo kung bakit?" bulong niya, parang batang nagbubunyag ng lihim. "Dahil may isang bagay kayong nakalimutan."
Natahimik ang buong silid.
"Nandoon ako," bulong niya.
Lahat ng mata ay napako sa kanya.
"Isang maliit na batang babae na nagtatago sa dilim," patuloy niya. "Nakikinig. Nanonood. At ngayon... naaalala ang lahat."
Napakuyom ng kamao si Viviana. "Saoirse-"
"Relax, Mama." Nakangiti siyang lumingon. "Hindi ko naman kayo isusumbong... maliban na lang kung maisipan ko."
Naging mabigat ang katahimikan.
"Siguraduhin mong hindi mo iisipin," babala ni Mr. Vhirenne, puno ng banta ang boses niya.
Muling tumawa si Saoirse, parang aliw na aliw. "Oh, please. Ano kaya ang gagawin niyo kung wala ako?"
Sa labas ng pinto, nakatulala si Adelia, ang puso niya ay mabilis ang pagpintig.
Hindi siya dapat nakarinig ng kahit ano.
Pero ngayon... alam na niya.
Alam na niya ang lahat.
There are no comments yet. Log in to be the first to leave a review!



![The Virgin[K.NJ] โ๏ธ](https://fanficsread.net/media/fs-stories-1/5897/conversions/1108c1ed5e8371286893ea1dcce7297c.jpg)


