Fanfics

30

11:40, 29 March 2025

Pagkatapos naming kumain, naghiwa-hiwalay na kami. Tahimik akong naglakad pauwi, pero hindi mawala sa isip ko ang mga sagot nina Jette at Adelia. Pinagtanggol nila ang pamilya nila, gaya ng inaasahan ko. Pero may napansin ako—hindi nila tinanong kung bakit ako nagtatanong.

Ibig sabihin, hindi nila iniisip na may masama. Hindi sumagi sa isip nila na may tinatago ang pamilya nila.

Pero kung magpapatuloy akong maghukay, hanggang saan ako makakarating bago nila mapansin?

Bago ko pa namalayan, nasa harap na ako ng bahay. Tahimik sa loob. Wala si Papa, siguradong may meeting na naman sa opisina. Hindi ko alam kung paano ko siya tatanungin tungkol sa lahat ng nalaman ko. Hindi ko rin sigurado kung may alam ba talaga siya.

Nagbuntong-hininga ako at dumiretso sa kwarto ko. Kinuha ko ang phone ko at muling tiningnan ang mga lumang dokumentong pinadala sa akin ni Detective Alcaraz.

Ravienne Law Firm.

Ang firm ng pamilya ni Jette. Ang pangalan ng tatay at nanay niya, parehong nakapirma bilang legal counsel ng ilang kaso. Kabilang na ang kaso ng dalawang babaeng nasawi—Patricia Velasco at Malia Delos Reyes

Nanlamig ang kamay ko. Kahit hindi pa buo ang larawan, may pattern akong nakikita.

Lumipat ako sa isa pang dokumento.

Major Xyronne.

Pamilyar na apelyido. Hindi ko alam kung sino sa mga magulang ni Adelia ito, pero malinaw ang papel niya sa kaso. Siya ang naglabas ng official report sa nangyaring aksidente. Siya ang nagdeklara na walang foul play.

Pinikit ko ang mata ko sandali.

Kung tama ang iniisip ko... ang mga magulang ng mga kaibigan ko ang mismong dahilan kung bakit hanggang ngayon, walang nakakaalam ng totoo.

Pero paano ko mapapatunayan?

Napatitig ako sa phone ko, tapos ay sa pangalan nina Jette at Adelia sa contacts list ko.

Hindi ko sila pwedeng tanungin nang harapan. Hindi ko sila pwedeng gulatin sa katotohanan.

Kailangan kong maghanap ng ibang paraan.

Kailangan kong makarating sa sagot—kahit hindi nila magustuhan ang matutuklasan ko

There are no comments yet. Log in to be the first to leave a review!

More by inkedinbruises

Similar stories