Fanfics

16

07:14, 13 March 2025

Pagkatapos naming kumain sa bahay nila Sara, nagpaalam na rin ako. Mabuti na lang at nagprisinta si Jette na ihatid ako gamit ang kotse ng pamilya nila, kaya hindi ko na kinailangang mag-commute pauwi. Pero imbes na dumiretso ako sa bahay, may isa pa akong kailangang puntahan.

Ang iniabot sa aking calling card ni Detective Alcaraz ay parang may sariling bigat sa loob ng bulsa ko. Sa buong biyahe, hindi ako mapakali. Paulit-ulit na bumabalik sa isip ko ang mukha ni Celine Lirazan—ang babaeng nakilala ni Mrs. Chan, pero hindi ko alam kung paanong siya rin ang ina kong si Patricia Velasco.

Pagkarating ko sa isang maliit na coffee shop kung saan ko unang nakilala si Detective Alcaraz, agad kong hinanap siya. Naroon siya sa dulo ng shop, gaya ng dati, tahimik na nagkakape at nagbabasa ng isang lumang notebook.

Hindi ko na inaksaya ang oras. Mabilis akong umupo sa harapan niya.

"Abigail," bati niya, hindi man lang nagulat sa biglaan kong pagsulpot. "Hindi ko inaasahang makikita ulit kita agad."

"Detective," sagot ko, diretso sa punto. "May kailangan akong sabihin sa'yo."

Itinabi niya ang hawak niyang notebook at tumango. "Nakikinig ako."

Huminga ako nang malalim bago ako nagsalita. "May natuklasan ako tungkol kay Mama... o mas tamang sabihin, tungkol kay Celine Lirazan."

Naningkit ang mata niya sa narinig. "Celine Lirazan?"

Tumango ako. "Gano'n ang pangalan niya sa pamilya Chan. Kaibigan siya ni Mrs. Chan noon. Pero ang hindi ko maintindihan... bakit hindi nila kilala ang pangalang Patricia Velasco? Bakit ibang pangalan ang gamit niya?"

Saglit na natahimik si Detective Alcaraz. Para bang may binubuo siyang sagot sa loob ng isip niya.

"Celine Lirazan..." mahinang ulit niya, tila iniisip kung saan niya naalala ang pangalang 'yon. Maya-maya, tumingin siya sa akin nang diretso. "Sigurado kang ito ang pangalan na sinabi nila?"

"Oo. May mga lumang litrato pa nga sila ni Mama."

Napabuntong-hininga siya. "Kung totoo 'yan... ibig sabihin, tama ang hinala ko."

Napalunok ako. "Anong hinala?"

Tiningnan niya ako nang matagal bago siya muling nagsalita. "Abigail, may posibilidad na ang ina mo... ay may itinatagong buhay bago mo siya nakilala bilang Patricia Velasco."

Hindi ako nakapagsalita agad. Alam ko na rin naman 'yon—pakiramdam ko pa lang, may itinatago na siya noon. Pero iba pa rin ang marinig ito mula sa isang taong tulad ni Detective Alcaraz.

"Kung totoo nga 'yang sinabi mo," patuloy niya, "may mas malaking dahilan kung bakit siya nagpalit ng pangalan. At kung bakit may mga taong gustong takpan ang katotohanan."

Napakuyom ako ng kamao. "Gusto kong malaman ang totoo, Detective. Gusto kong malaman kung sino talaga ang mama ko."

Tinitigan niya ako, at sa unang pagkakataon, nakita kong seryoso siya—mas seryoso kaysa dati.

"Kung gano'n, Abigail... may kailangan akong ipakita sa'yo."

"Celine Lirazan... isang pangalang halos hindi na lumalabas sa kahit anong dokumento," sabi ni Detective Alcaraz habang tinititigan ang screen ng laptop niya. "Pero mas malalim ang ugat niya kaysa sa inakala ko."

Hindi ako gumalaw. Pakiramdam ko, bumibigat ang paligid sa bawat salitang sinasabi niya.

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

Pinindot niya ang isang file at lumabas ang isang scanned na family tree. Itinapat niya ang daliri niya sa isang pangalan sa gitna ng dokumento.

"Ang pamilya Lirazan ay isa sa pinakamakapangyarihang pamilya sa bayan ng San Estrella."

Napalunok ako. "San Estrella?"

Tumango siya. "Malapit sa lugar kung saan lumaki si Celeste Chan."

Mas lalong nanlamig ang katawan ko. "So may posibilidad na kilala talaga siya ni Mrs. Chan?"

"Hindi lang kilala, Abigail." Lumalim ang boses ni Alcaraz. "Malaki ang posibilidad na magkaibigan talaga sila. At kung totoo 'yon..." Tumigil siya saglit, saka bumuntong-hininga. "Malaki rin ang posibilidad na alam ni Celeste Chan kung bakit naglaho si Celine Lirazan."

Nanatili akong tahimik. Ang utak ko ay punong-puno ng mga katanungan.

Kung totoo 'to... bakit hindi niya binanggit ang apelyido ni Mama noon? Bakit hindi siya nag-react nung sinabi kong Velasco ang apelyido ng nanay ko?

At higit sa lahat...

Bakit kailangan pang magtago ni Mama mula sa sarili niyang pamilya?

There are no comments yet. Log in to be the first to leave a review!

More by inkedinbruises

Similar stories