Prologue
11:45, 23 March 2025Noong bata pa ako, hindi ko kailanman inisip na iiwan ko ang bahay namin sa Pampanga. Doon, simple lang ang buhay—ako at si Lola Grace, nagluluto ng almusal tuwing umaga, kumakanta habang nag-aayos ng bahay, at natutulog sa isang maliit pero maaliwalas na kwarto na punong-puno ng mga alaala. Doon, may mga litrato ko sa dingding, may gitara sa tabi ng kama, may mga librong iniwan ni Mama sa mesa. Doon, ramdam ko na ako ay bahagi ng isang tahanan.
Pero nagbago ang lahat.
Labindalawang taon na ang nakalipas nang mamatay si Mama. Apat na taong gulang pa lang ako noon—masyadong bata para maintindihan kung anong nangyayari. Isang araw, kasama ko pa siyang kumakanta sa sala, tapos bigla na lang siyang nawala. Ang alam ko lang, hindi na siya babalik. Hindi ko na maalala ang mukha niya nang buo, pero naaalala ko ang tinig niya, ang init ng yakap niya tuwing natatakot ako.
Wala si Papa noon—hindi niya ako kinuha, hindi niya ako hinanap. Pero si Lola Grace, hindi niya ako pinabayaan. Siya ang nag-alaga sa akin, minahal niya ako na parang sarili niyang anak. Sa kanya ko natutunang maging matatag, sa kanya ko naramdaman na kahit wala na si Mama, hindi ako nag-iisa. Siya ang naging tahanan ko.
Pero isang taon na rin mula nang mawala si Lola. At ngayong wala na siya, wala na rin akong matatakbuhan. Kaya nang dumating si Papa para kunin ako, wala akong nagawa kundi sumama. Hindi ko nga siya halos kilala, pero ngayon, kailangan kong tumira sa bahay niya—kasama ang asawa niyang si Camilla at ang anak nila, si Lila.
Nakatayo ako sa gitna ng kwarto ko, nakatingin sa isang maleta na puno ng damit at gamit na pinilit kong pagkasyahin. Pero ang pinakamahalagang dala ko? Ang lumang gitara na iniwan ni Mama. Hindi ko kayang iwan 'to. Minsan, kapag pinipikit ko ang mata ko at tinutugtog ang mga kantang itinuro niya sa akin, pakiramdam ko, andito pa rin siya.
Hawak-hawak ko ang isang lumang litrato namin ni Mama. Nakaakbay siya sa akin, nakangiti, habang hawak ko ang gitara namin. Sa tabi niya, si Lola Grace—nakatingin sa amin, para bang ipinagmamalaki niya kami. Ang alaala na 'to ang tanging meron ako, ang bagay na hindi nila kayang kunin sa akin.
Huminga ako nang malalim at pinunasan ang luhang hindi ko napansing tumulo. Kailangan ko nang umalis.
Ngayon, nandito na ako. Sa isang bahay na hindi akin, kasama ang isang pamilya na hindi ko alam kung gusto akong andito. Dapat matuwa ako, 'di ba? Pero bakit parang hindi ko maramdaman na kabilang ako rito?
There are no comments yet. Log in to be the first to leave a review!



![The Virgin[K.NJ] ✔️](https://fanficsread.net/media/fs-stories-1/5897/conversions/1108c1ed5e8371286893ea1dcce7297c.jpg)


