Fanfics

All Clichés

04:10, 14 July 2018

Synopsis:

Title says it all. Haha. Yung aping bida na mai-inlove sa anak ng mayamang amo sa hacienda. Dahil mahirap siya at api-api, for sure mabibingwit niya si mayamang amo at mababaliw ito sa kanya na parang nagayuma (kahit madaming nagkakagusto kay mayamang amo like yung best friend nitong mas maganda at mabait - yun lang, mayaman siya at edukada so sorry di siya pwede. 😂)

Hahadlangan si aping bida ng swapang na pamilya ni mayamang amo. Babalaan nilang tanggalan si mayamang amo ng mana kapag pumatol kay mahirap na aping bida kaya patago silang magmamahalan - tagpuan nila sa tulay. Haha.

Masusubukan ang siyam na buhay ni aping bida sa mga pang-aaping mararanasan niya sa pamilya ni mayamang amo. Even so, hindi matitinag si aping bida kahit mamamatay-matay na siya at meron naman siyang ibang option like yung hardinerong kababata niya na mabait naman at masipag.

Dadating yung karibal ni aping bida kay mayamang amo galing states. Masama ang ugali ni ate at pahihirapan si aping bida ng todo pero boto ang magulang ni mayamang amo dito dahil mayaman din at anak ng amiga nila.

May kerida yung Tatay ni mayamang amo at ipapakidnap din ng Nanay ni mayamang amo sa mga goons niya.

May diary na naglalaman ng katotohanan sa tunay na pagkatao ni aping bida. What?? Siya ang tunay na tagapagmana! 😲

Palatandaan ang suot niyang kwintas na walang kapares sa buong mundo - as in waley! Dahil bigay ito ng totoong magulang niya nung baby pa siya bago siya kidnapin sa ospital at ipagpalit sa ibang baby habang siya ay iniwan sa plaza. Pero pero pero, aampunin siya ng mabait na mag-asawang trabahador sa hacienda na walang anak. Iyon ang makakagisnan niyang magulang at lalaki siyang mahirap, babad sa araw pero flawless ang skin at mala-artista ang ganda. 😂

Ipapakidnap siya ng Nanay ni mayamang amo pero maiisahan niya ang boplex na kidnappers sa warehouse. Habang tumatakas, masasagasaan siya ng magarang sasakyan na lulan ang tunay niyang magulang. Of course, tutulungan siya nito not knowing na magkadugo sila. Paggising ni aping bida sa ospital may amnesia siya kaya di niya mapapakilala ang sarili. 😂 Sobrang bait ng nakabundol sa kanya na patitirahin siya nito sa bahay nitong mansyon kahit wala itong idea kung anong klaseng tao ang kukopkupin niya. Yun lang, maiingit kay aping bida yung ampon ng tunay niyang magulang.

Biglang babalik ang ala-ala ni aping bida. Magre-reunite sila ng tunay niyang pamilya na ring nakaaksidente sa kanya - kaya pala magaan ang loob nila sa isa't-isa! 😮

Magbabalik si aping bida sa hacienda para maghiganti. This time, mayaman na siya! In just 3 months, super edukada na siya and sophisticated. Walang makakakilala sa kanya kahit nagpalit lang siya ng wardrobe at nag-makeup. Magsasampalan sila ng mga nang-aapi sa kanya to the nth level pero di mamamaga ang cheeks nila. Magbabatuhan din sila ng gamit, magngu-ngudngudan sa putikan at magsasabunotan like there's no tomorrow. Himalang di magagalusan ang kutis artista nilang skin. Pak!

Mabibisto ang masamang gawain ng magulang ni mayamang amo at ni karibal. Magkakakuntsaba sila sa patong-patong na kidnapping at higit sa lahat, pagpatay sa taong nakakaalam ng tunay na pagkatao ni aping bida! 😮

Milagrong makakatakas ang nakaposas at gwardiyadong main kontrabida sa pulis (na huli na dadating). Magla-lie low muna siya at magpa-plastic surgery para di makilala bago susulpot sa huli para barilin si aping bida habang kinakasal kay mayamang amo.

Mag-aagawan ng baril sa simbahan at matatamaan si kontrabida pero milagrong mabubuhay ito. Tatawa ito ng nakakaloka bago niya i-reveal na may bomba si simbahan! 😲 Sasabog ang bomba pero makakatakas ang lahat pwere kay kontrabida na may nine lives. Mabubuhay pa din ito pero masusunog ang fez at mababaliw.

Bibilhin ni aping bida ang buong hacienda at doon titira sa bahay ng dating amo to rub it in sa fez ng mga kaaway niya. Iaahon niya sa hirap ang nakagisnang magulang. Matutuloy sa wakas ang kasal.

Ang ending, dadating ang summer, maga-outing ang mga bida sa beach at for some reason kasama ang buong hacienda. 😂 Maghahabulan si aping bida at mayamang amo sa beach tapos alternate na sisilip sa puno ng buko. May dance number ang lahat with choreography and all. Tapos tatalon silang lahat sa ere at magfe-freeze! 😜

Genre: Drama/Comedy/Parody

Status: Draft

There are no comments yet. Log in to be the first to leave a review!

Similar stories