44
18:46, 17 April 2025Kung sinumang makakahanap ng liham na ito,
Kung binabasa mo ito, ibig sabihin ay natagpuan mo na ang mga katotohanang matagal nilang tinakpan. Ang mga dokumentong iniwan ko, ang mga ebidensyang itinago ko sa loob ng maraming taon—lahat ng ito ay para sa inyo, para sa mga natitirang may karapatan sa katotohanan.
Nang iwan ko ang pangalang Celestina Argente at mabuhay bilang Grace Trinidad, hindi iyon dahil sa duwag ako. Hindi rin dahil wala akong laban. Pero minsan, ang tanging paraan para mabuhay ang katotohanan ay ang maghintay ng tamang panahon. Hindi ko na inasahan na ang kasakiman ng mga taong minsan kong tinuring na pamilya ay hahantong sa ganito.
Ang apelyidong Argente ay dating pinagpipitagan, hindi lang dahil sa yaman kundi dahil sa tapang at paninindigan. Ngunit natutunan kong minsan, ang mismong dugo mo ang magiging dahilan ng iyong pagbagsak. Ang aking asawa, si Elias Argente, ay walang inisip kundi ang sarili niyang ambisyon. Wala siyang pakialam kung sino ang madurog sa kanyang daraanan, kahit sarili niyang pamilya. Ngunit ang hindi ko inasahan ay ang sarili kong anak, si Elixi Argente. Siya mismo ang naghulog sa amin sa pagkawasak. Ginamit niya ang galit sa puso niya upang sirain ang Argente at pagbayarin ang mga taong hindi naman kailanman naging banta sa kanya.
Naging Edward Dela Fuente siya. Iniwan niya ang pangalang Argente, pero hindi niya iniwan ang kasakiman at galit na bumalot sa kanya. At sa huli, ang pinakamalaking kasalanan niya ay ang pagiging bahagi ng isang mas madilim pang plano—ang pagpatay sa dalawang babaeng hindi kailanman naging kalaban niya.
Si Marina Argente, ang anak kong pinakamamahal, ang ilaw ng aking mundo, ang babaeng may mabuting puso. Masyado siyang naging totoo sa mundong puno ng kasinungalingan. At iyon ang dahilan kung bakit siya pinatay. Dahil hindi siya nagbulag-bulagan, dahil hindi siya natakot manindigan. Nang malaman niya ang plano nina Richard Illustre at Viviana Dela Fuente laban kay Celine Lirazan, sinubukan niyang balaan si Celine. Ginawa niya ang lahat para iligtas ang kaibigan niya. At dahil doon, naging target din siya.
Alam kong takot siya. Alam kong gusto niyang mabuhay, pero mas gusto niyang mabuhay ang anak niya. Sa huling sandali, isang bagay lang ang hiling niya—mailigtas si Noelle.
Si Celine Lirazan, ang tunay at lehitimong tagapagmana ng Illustre at Lirazan, ang anak nina Diego Illustre at Hillary Lirazan. Siya ang kaisa-isang anak na minahal ni Diego, ang batang handa niyang ipaglaban. Nang malaman ito ni Richard, nagsimula ang plano nilang alisin siya sa mundo.
Hindi niya inakala na ang magtataksil sa kanya ay ang mga taong itinuring niyang kaibigan.
Sa kanyang huling mga araw, isang mag-asawa ang bumisita sa kanya, may dalang isang maliit na bata. Akala niya, kaibigan niya sila. Akala niya, ligtas siyang makakapagkubli sa kanila. Hindi niya alam na sila pala ang espiya nina Richard at Viviana. Hindi ko alam kung dahil sa pera, sa takot, o sa kasakiman, pero sila ang nagsilbing gabay sa mga mamamatay-tao. Sila ang nagsabi kung kailan perpektong oras para salakayin ang dalawa.
Marami pang ibang may kasalanan. Maraming pangalan ang pumirma sa dugo ng dalawang inosenteng babae. Ang listahang ito ay hindi sapat para maibalik ang mga buhay na nawala, pero ito ang magsisilbing gabay sa paghahanap ng hustisya.
Major Robert Xeyronne. Prosecutor Elena Xeyronne. Elixi Argente o Edward Dela Fuente. Viviana Jimenez-Dela Fuente. Richard Illustre. Celeste Chan at Rafael Chan. Alexander at Aurora Vhirenne. Atty. Elizabeth at Joseph Ravienne. Elise Laxamana.
Mga pangalan ng mga traydor. Mga kasabwat. Mga taong walang ibang inisip kundi sarili nilang interes.
Ngayong hawak mo na ang katotohanan, isang tanong ang dapat mong sagutin. Ano ang gagawin mo rito?
Sa loob ng maraming taon, wala akong nagawa kundi ang magtago at mangalap ng ebidensya. Hindi ko na alam kung may oras pa akong natitira upang makita ang hustisya. Pero ikaw, ikaw na nakahanap ng liham na ito—handa ka bang ipaglaban ang katotohanan?
O pipiliin mo ring manahimik?
Nagmamahal,
Celestina Argente
There are no comments yet. Log in to be the first to leave a review!



![The Virgin[K.NJ] ✔️](https://fanficsread.net/media/fs-stories-1/5897/conversions/1108c1ed5e8371286893ea1dcce7297c.jpg)


